Ilang Katanungan Tungkol sa Kinabukasan

Last Update:

Marami sa atin ang gusto ng mapayapang buhay. Ngunit sa dami ng nangyayari, hindi ito madaling makamit, lalo na’t hindi tayo pare-pareho nang pinagmulan, nang tinatahak, at nang patutunguhan.

Gusto man nating aminin o hindi, may mga taong nakalalamang sa atin, at may mga taong napapailalim sa atin.

Matagal nang nawala ang pagkakapantay-pantay, matagal nang lugmok sa kahirapan ang karamihan. Samantala, ang gobyerno ay paunti-unting sinusubok ang kakayahan nilang baliin ang saligang batas para manatiling nasa kapangyarihan. Ito ang “normal” natin, noon hanggang ngayon.

Ang mga awtor ng blog na ito ay naniniwalang dapat buwagin ang mga nangingibabaw na paniniwalang sumisira sa atin bilang tao at mamamayan, at sa ating mundo at sa iba pa nating mga kasamang naninirahan dito.

Makakamit ba ang Kalayaan?

Sa totoo lang, mahirap sagutin ang tanong na ‘yan. Iba-iba ang sagot, depende kung sino ang tinatanong.

May mga nagsasabi na dapat patalsikin sa pwesto ang mga naghaharing uri at ang kanilang mga alipores, sa pamimigatan ng dahas kung kinakailangan.

Dahas na lang ba ang sagot? Kung gayon, kaninong kamay ng berdugo mo ibibilin ito? At paano ka nakasisiguro na ang gumamit ng dahas upang patalsikin ang mga naghaharing uri ay mananatili mong kakampi?

Nagmamadaling matapos ang anumang nagsimula sa kalupitan.

Dapat nating malaman na hindi mangyayari ang capital-R Revolution nang isang araw lang, o nang “isang iglap,” kung paano man sukatin ang iglap. At kung mabuwag man natin bukas ang sistemang kapitalismo, hindi rin naman doon natatapos ang lahat.

Manggagaling ang pagnanais sa kasarinlan mula sa komunidad. May mga ilan na na gumagawa na nito, gaya ng mga Zapatista at Rojava; sila na mismo ang namamahala sa kanilang sarili. Ang bawat miyembro ng komunidad ang responsable sa kung paano sila mamuhay, at hindi ang isang sentralisadong estado.

Dapat bang ipilit ang Kalayaan?

Ano ang halaga nang anumang bagay na isinaksak sa ating lalamunan, na di natin malulunok? Kaya mo bang ipilit ang kalayaan sa ibong pinalaya mo sa hawla? Ang anumang ipinilit ay ‘di ganap. Hindi tayo tunay na malaya kung “ibinigay” sa atin ito ng diktaduryang partido; kahit na naaayon sa gusto ang bawat kilos natin, basta ito ay naaayon sa kahulugan ng kalayaan ng partidong namumuno.

Hanggang walang nasasaktang iba, lahat tayo ay may kakayahang gawin kung ano ang gusto natin. Wala nang kailangang magsabi sa atin nito.

Kung magpapaalam man, ito ay mula sa mismong tutulungan natin. Sila ang kinauukulan na nararapat lang magbigay ng permiso; at kung umoo man sila o hindi, matuto tayong tanggapin ang kalayaan nilang magdesisyon.

Mahirap makamit ang kalayaan, sa kadahilanang ito ay hindi ipinipilit; inaabot ito ng may gusto. At hanggang may mga propaganda, gaya ng Demokrasya, na pilit tayong nililihis sa landas, marami sa atin ang mananatiling hindi alam kung paano ito makakamit.

Para lang malinaw: walang iisang Landas, at maaaring hindi Kalayaan ang gustong final destination ng iba. Ayos lang ‘yun—gawa sila nang sarili nilang mundo kung saan iiral ang gusto nila. Basta walang silang sinisirang ibang kabuhayan at kalikasan, at hindi nila ipipilit sa iba ang kung anumang mayroon (o wala) sa kanilang komunidad, ayos lang ‘yun. Dahil ‘yun ang kalayaan nila. Siguro lang, magtataka sila kung bakit mas miserable ang buhay nila kaysa sa mga taong pinili ang kasarinlan. Paano sila makikipag-unayan sa ibang komunidad?

May katupasan ba ang paglaban para sa kalayaan?

Wala.

Maaaring magbago ang anyo, ang huni, ang amoy, ngunit habang buhay na nating itong gagawin. Patuloy tayong mangangahas na sumubok ng mga bagong taktika upang panatilihin at ipagtanggol ito labang sa mga nais kunin ito mula sa atin.

Iba’t iba ang paraan ng pakikipaglaban, ngunit sinasabi ko na sa inyo na hindi lang ito gagamit ng dahas, bagaman maaaring kailanganin ito para sa self-defense. Maaari ring labanan ang mga mapang-aping sistema sa pamamagitan ng edukasyon. At kung kami ang papipiliin, ito ang mas gusto namin, dahil ang mga ideya natin ay mas mabisa kaysa sa dahas.

Hindi lang iisang beses, o sa iisang iglap lang mangyayari ang lubusang pagbabago na ninanais natin. Ito ay nangyayari na araw-araw, at patuloy na mangyayari, walang katapusan. Ang rebolusyon ay mananatili habang ito ang kagustuhan ng masa. Patuloy tayong hindi papayag na magkaroon muli ng hierarchy dahil hindi ito kasama sa ating layunin. Ang anumang tangka na ibalik ito ay dapat buwagin, dahil maaari nitong angkinin ang anumang napagtagumpayan, at masasayang lang din ang lahat kung babalik sa dating sistema.

Ano ang mga maaaring gawin ngayon?

Maaari nating pag-usapan ang mga diskarte na pwedeng gawin upang unti-unti makawala sa tanikala, habang nasa current system ng kapitalismo, sa pamamagitang ng educational discussions. Dito natin matatalakay ang mga usapin na maaaring magpalawig ng ating kamalayan.

Ang ating education system ay hindi manggagaling sa itaas; bagkus tayo rin ay matututo sa mga karanasan ng ating kasama, habang ibinabahagi rin natin ang atin sa kanila.

Sa isa pang banda, maaari na rin tayong kumilos ngayon. Kung wala rin lang namang pipigil sa atin, may hinihintay pa ba tayo? Paunti-unting simulan ang mga bagay-bagay:

  • Alagaan at mahalin ang sarili
  • Alagaan at mahalin ang mga tinuturing na kaibigan at pamilya sa buhay
  • Makipagtulungan sa kapwa nang naaayon sa kakayanan
  • Magtanim ng mga halaman
  • Magbasa, sumulat, at maglimbag ng mga aklat, babasahin, zine, kung hindi man para sa pangkalahatan, para sa pansariling ikauunlad
  • Alagaan at mahalin ang iba pa nating kasama sa mundong ito, gaya nang mga hayop at halaman, at huwag ipagdamot ang kapaligiran dahil atin lahat ito.
  • atbp.

Sa paghubog ng bagong mga komunidad, mababaliwala na ang mga lumang nakagisnan.

Sa pagbuo ng komunidad, hindi malayong kokontrahin tayo, kahit na kung susuriin ay wala namang masama sa mga ginagawa natin. Ito ang natural na reaction ng mga tao sa mga ideyang hindi pa nila naiintihan at/o taliwas sa tradisyon at nakaugalian. Kaya naman dapat nating bigyang importansya ang pagsasa-walang bisa ng anumang propapaganda ng estado at mga kapitalista laban sa mga ideyang pinag-uusapan natin.

Ngunit uulitin natin: hindi natin dapat ipilit ang kalayaan at ang pagkakapantay-pantay sa ibang tao. Hindi Tayo™ ang susi sa kandado ng ating kulungan. ‘Wag niyong paniwalaan ang kung sinomang magsabi na ang partido nila, at ang kanilang ideya lang, ang magpapalaya sa atin. Ang anumang klase nang pagpilit ay authoritarian. At ang pamumunong authoritarian ay nakatadhanang bumagsak. Tignan ang nangyari sa China at USSR…

Katapusan

Ngayon na ang oras para kumilos at unti-unting gibain ang mga sistemang mapang-api. Kung ang kagustuhan naming maging malayang mahalin ang aming sarili, kapwa, at kapaligiran ay ang magiging dahilan para ituring kaming kaaway ng mga ahente ng kapitalismo, handa na kami.

Kaya naman makipag-unayan na rin kayo at bumuo na ng grupo. Kita-kita na lang. TNU



return to blog list or home page