Sino Ang 'Di Pa Nasisiraan Ng Bait?

Last Update:

Walang masama kung aaminin nating unti-unti na tayong nauubusan ng pasensya sa lipunang kailanma’y ‘di nawalan ng ganang pahirapan ang mga mahihirap.

Biruin mo, halos hindi tayo magkanda-ugaga sa kakatrabaho para sa katiting na kita. Sinasakripisyo tayo ng ating pamahalaan para sa ekonomiya. At tayo naman, sinasakripisyo natin ang ating sarili, ang pagkakataong makapiling ang mga mahal natin sa buhay, para tayo ay maging “kapakipakinabang sa lipunan.” Ang nakikinabang sa ating pinagpaguran ay ang mga amo nating kumportableng nagpapahinga sa kanila corner office.

Wala na ba talaga tayong ibang pagpipilian kundi ang ilagay sa piligro ang ating katawan at isipan sa araw-araw na pagsabak?

Hindi malabong isipin na ang sistema ay dinisenyo para ang karamihan sa atin ay mapagod, magsawa, at pumurol, nang sa gayon wala nang panahong makapag-isip para sa sarili at para sa kapwa.

Ang sistemang ito ang patuloy na nagtuturo sa tao na “sumunod na lang sa utos” ng awtoridad. Diba hinubog ang ating pagkatao at kamalayan sa pamamagitan ng mga nakaugaliang pagtuturo? Kung ‘di man sa paaralan, sa mismong bahay natin nakikita ang mga mapang-aping tradisyon na ito. Kung lalabag ka, may karampatang parusa, ‘di bali kung sino ang tama at mali.

Aminin man natin o hindi, matagal nang basag ang ating pula. Iba-iba lang ang grado depende sa kung sino ang kausap. TNU