Ayos lang maging matumal sa trabaho

Last Update:

Ito ay isinalin mula sa Ingles1.

  1. ‘Wag isumbong ang kasama sa trabaho, maliban na lang kung ang kanyang ginagawa (o ‘di ginagawa) ay maaaring magdulot ng panganib sa’yo o sa iba ninyong kasama.
  2. Sabi sa Biblia, Mateo 5:41, “At sa sinomang pipilit sa iyo na ikaw ay lumakad ng isang milya, ay lumakad ka ng dalawang milya na kasama niya.” Sa madaling sabi: ‘Wag pabibo nang ‘di humihingi ng wastong kabayaran. ‘Wag mag-overtime. ‘Wag magtrabaho sa araw nang pahinga.
  3. Magpanggap kang kapakipakinabang, lalo na kung ‘di naman talaga.
  4. ‘Wag sumali sa mga company outing lalo na kung ito ay gaganapin sa [mga] dayoff/s, maliban na lang kung sigurado kang sasaya ka sa pagsama dito.
  5. Kaugnay ng #1, ‘wag isumbong ang sinumang kumukuha nang walang paalam (“nakaw” daw ayon sa nakarararami) ang isang mall, isang opisina, o isang kumpanya, maliban na lang kung magdudulot ito ng panganib sa’yo o sa ibang tao kapag ‘di mo ito ginawa.
  6. Pagtakpan mo ang anumang kamalian at nilabag ng kasama sa trabaho, maliban na lang kung nagdudulot siya ng panganib sa’yo o sa iba ninyong kasamahan.
  7. ‘Di ka dapat magmalasakit sa kumpanyang pinagtatrabahuhan mo. ‘Di ka lang din naman pinapasweldo ng tama, bakit ka pa makikialam sa kinikita nila? Kung ang iyong employer ay totoong masama (halimbawa: iniikutan ang labor laws, hindi patas ang pasahod, nanloloko ng mga customer, atbp.), tama lang na maminsala ka sa kanilang bottomline. Mas maganda kung makakahikayat ka ng katrabaho na magiging kakampi mo. Tandaan lang na laging mag-ingat sa anuman ang inyong gagawin. Pag-isipang mabuti nang ‘di ka magdulot ng panganib sa iba, at siyempre, nang ‘di rin maituro sayo ang sabutahe na gagawin mo.
  8. Kung ang customers ay galing sa manggagawang uri, isaalang-alang mo ang kanilang pangangailangan higit pa sa pangangailangan ng kumpanya. Maging tapat at totoo sa serbisyo sa kanila. Magbigay ng diskwento kung kaya mo lang din naman. At bigyan mo sila ng insider’s tip kung sa tingin mong hindi okay ang bibilhin nila.
  9. Kung ang customers ay burgis at kapitalista, sikapin mong maging hadlang ka sa wastong serbisyo na gusto nila. Kung ikaw kumukomisyon sa sales, ayos lang na pigain mo sila!
  10. ‘Wag mahiyang kumuha ng gamit na kakailanganin sa trabaho (papel, lapis, atbp.), ngunit ‘wag din basta-basta na lang mangupit at mang-ubos nang wala sa lugar. Hindi natin gustong gatungan ang Consumerist System na umiiral behind the scenes na nakasasama rin sa kalikasan at lipunan2.

Ang sampung payo na ito ay dapat lamang gawin kung ang pinagtatrabahuhan mo ay isang kapitalistang panay kita lang ang iniisip, at kung umay na umay ka na ngunit ‘di ka basta-basta makaalis sa anumang kadahilanan.

‘Di ko na siguro kailangang sabihin na ‘wag mong sundin ang mga mungkahi na ito kung ikaw ay nagtatrabaho para sa isang disenteng NGO. Ganun na rin siguro kapag nasa gobyerno ka; mahiya ka naman ng kaunti dahil pinapasahod ka ng taumbayan. TNU


  1. Work like a cat: Here’s why you should slack off at work. (2018). Non-Compete. https://www.non-compete.com/heres-why-you-should-slack-off-at-work/ ↩︎

  2. Patama na rin ito sa mga mahilig kumuha ng mga non-consumable items sa hotel (gaya ng towel, kumot, tsinelas, atbp.), eroplano (mga kubyertos, baso, atbp.), atbp. ↩︎