Unti Unting Mga Hakbang


Kanina, habang sinasalba ko ang Kapitalismo – hehe, biro lang – nag-uusap-usap kaming magkakatrabaho pagkatapos ng maikling meeting. (Sidenote: Itong meeting na ito ay naganap nang tama: may physical distancing, may surgical masks, at panay ang lagay ng alcohol sa mga kamay. Yung katabi ko nga, tuyo na ang mga palad sa kaka-alcohol niya sa mga ito.) May handang pa-meryenda ang isa sa mga tao roon. Siyempre, hindi na yata mawawala sa hapag ang softdrinks para sa karamihan ng mga Pinoy.

Inalok akong hainan ng isang basong softdrinks ng isa, pero sabi ko, “Okay na ako sa tubig ko.” Ganoon din ang sagot sa kanya ng dalawa ko pang katabi. Sagot niya, “Wow, mga health conscious pala ang mga kausap namin dito.”

Maaaring pabiro niya itong sinabi. I-overthink ko pa ba?

Mahalaga ang bawat pinipili natin

Mapalad tayo at mayroon pa tayong kalayaang pumili: pumili kung ano ang landas na tatahakin, kung ano ang kakainin, kung softdrinks ba o tubig lang. May mga madadaling choices, pero madalas na ito ay mahina lamang ang epekto sa ating buhay. Kung low risk, low reward din. Patas lang, diba?

Kung mahirap pumili sa mga choices, tanungin mo ang sarili mo kung ano ang magiging reward sa kada pagpipilian.

Balikan natin ang lintik na issue na yan tungkol sa softdrinks. Ako, kung tatantyahin ko, siguro 99% of the time sa isang buong taon, ni hindi dumapo ang labi ko sa soda. May mga pagkakataon na napapainom pa rin ako, pero sobrang dalang, at madalas, pinagsisisihan ko kung bakit pa ako lumagok ng pagkatamis-tamis na likido na iyon. Marami nang mga aral ang nagpapatunay na walang magandang dulot sa katawan ang softdrinks. Kaya para sa akin, madali ang choice na (halos) lubayan na ang pag-inom nito. Sa maliit na choice ko na ito, ilang libong piso na kaya ang natipid ko, ‘di lang sa gastos sa softdrinks, kundi gastos na rin sa mga sakit na magiging dulot nito sa akin kapag tinodo-todo ko ang pagkonsumo rito?

Kung ikaw ay mahilig sa softdrinks, gusto kong malaman mo na nasa sa iyo pa rin ang choice kung ano ang gusto mong inumin; di ako magulang mo para pagsabihan ka.

Kung ikaw ay mahilig sa softdrinks, alam kong masarap ang Tamis nito, ang hagod sa lalamunan. Sino bang hindi nahumaling dito?

Nakita mo na rin ang mga ads nila sa TV, sa billboards, sa YouTube. Lahat masayang umiinom ng softdrinks sa hapag-kainan.

Kung ikaw ay mahilig sa softdrinks, at kung patuloy mong makakahiligan ito, alam mo na rin siguro ang maaaring kahihinatnan ng iyong katawan balang araw: ulcer, diabetes, hypertension, atbp. Unti-unting magpapatong, hanggang sa singilan na.

Lumampas na nga tayo sa lintik na softdrinks

Ang balak ko talagang topic dito ay tungkol sa epekto ng ating mga choices. Na makakamtan natin ang mga layunin sa buhay kahit na paunti-unti ang pag-andar natin gawa ng mga unti-unting pagpili ng “mas tamang” daan patungo sa mga ito.

Maaaring narinig mo na ito sa tawag na Kaizen.

Maaaring nabasa mo na ito kay Lao Tzu, isang Chinese Philosopher, sa Chapter 64 ng translated work ng Tao Te Ching:

Peace is easily maintained;
Trouble is easily overcome before it starts.
The brittle is easily shattered;
The small is easily scattered.

Deal with it before it happens.
Set things in order before there is confusion.

A tree as great as a man’s embrace springs up from a small shoot;
A terrace nine stories high begins with a pile of earth;
A journey of a thousand miles starts under one’s feet.

He who acts defeats his own purpose;
He who grasps loses.
The sage does not act, and so is not defeated.
He does not grasp and therefore does not lose.

People usually fail when they are on the verge of success.
So give as much care to the end as to the beginning;
Then there will be no failure.

Therefore the sage seeks freedom from desire.
He does not collect precious things.
He learns not to hold on to ideas.
He brings men back to what they have lost.
He help the ten thousand things find their own nature,
But refrains from action.

Ang pinakasikat na linya siguro dito ay, “A journey of a thousand miles starts under one’s feet,” na maaari ring maging summary ng buong talata na ito.

Sa panahon kung kailan tila yata radikal na ang magtubig kung may softdrinks na nakahain, madali na lang ang mapabayaan ang ating kalusugan. Pahirap nang pahirap ang maging healthy lalo na kung “masarap ang bawal.”

Sa pagkilala natin sa ating mga hamon sa buhay, di natin namamalayan na ito na pala ang unang hakbang para malampasan natin ito.

Sana lang ay wag tayong maipit sa initial position na ito. Di bali nang maliliit ang hakbang, basta magpatuloy-tuloy lang, at wag makakalimot sa tutunguhin at kung bakit ka papunta rito. TNU



return to blog list or home page