Paano Makuha Ang Iyong Gusto


(Isinalin mula sa orihinal na galing sa from CrimethInc.)

Ano ang iyong pinaka-inaasam sa mundo? Salapi, bagong stereo sa tsikot, magarang bakasyon? Pumayat, makauwi nang mas maaga galing trabaho para makaabot sa paborito mong palabas? O mas higit pa sa mga ito?

Siguro nagsawa ka na sa kakahabol sa mga pangarap mo, at pinili mo na lang ang mga maliliit na bagay dahil mas kaya silang abutin. Siguro di mo pa natatanong ang sarili mo kung gusto mo ba talaga ang mga pangarap mong ito. Tulad ng karamihan, marahil napipilitan ka lang sa paghabol sa mga bagay na inaasahan ng lipunan na habulin mo. Lagi mo ba itong naiisip?

Diba dapat gusto talaga nating gawin ang mga bagay na ginagawa natin? Dapat nakakapukaw ang iyong mga plano para sa buhay, at planuhin mong pumukaw, ‘di lang para sa “tagumpay” o “seguridad.” Ang mga ito ay para lang sa mga pagod na at nawalan na nang pag-asa. Sa panahon nating namumutata sa moralidad ang mga tao habang araw-araw nilang nilulunok ang mga bagay na tumutuligsa sa mga ito, ano pang mas radikal sa pagpili sa kung ano talaga ang ninanais mong gawin nang hindi iniisip kung ano ang sasabihin nila?

Tayo ay naglingkod, at patuloy na naglilingkod, sa mga taong wala naman talagang pakialam sa atin. Ipinaglaban natin, at patuloy nating ipinaglalaban, ang mga kagustuhan nila. Paano naman tayo, ang kapakanan natin? Inisip ba nila? Anong napala natin?

Hindi ko ibig sabihin na sumunod na lang nang basta-basta sa anumang udyok ng isipan. Dapat munang malaman natin kung ano ba talaga ang gusto natin: alin ang totoo, alin ang hindi, alin ang may mas malakas na hatak, alin ang magbibigay ligaya sa’yo sa huli. Parang pagtatabas ng damo na ‘di naman kailangan at nakakagulo lang.

Sa unti-unti mong pagbuo muli sa iyong buhay, pwede mong abutin ang mga gusto mo, mas marami, mas okay. Kung sabagay, ‘di mo rin naman sila sabay-sabay mararating, dahil tayo ay tao lang na nahihila sa pagkarami-raming landas, pinili man natin o hindi. Ang mahalaga, may mga ideya ka na sa mga landas na nais mong tahakin.

Sa pagkaliskis mo sa iyong sariling mga pagnanasa, muli mo rin binubuo ang kalakaran ng lipunan. Bawat isa sa atin ay yari sa mundong ginagalawan natin. At kung iisipin, hinubog na rin naman ang mundong ito sa ating mga pagsisikap. Ang pagbuo muli natin sa sarili ay pagbuo muli ng lipunan. Kakailanganin mo ng tulong. Kung mahalaga ang pag-atim sa kasiyahan, tungkulin natin sa ating kapwa na makamit din nila ito. Tungkulin natin sa mga halaman at hayop na magagamit din nila ang mga likas yaman kung saan kahati naman talaga natin sila.

Kung susundin natin ang gusto natin, ‘di ba tayo magkakagulo?

Hindi. Sa halip, mapipilitan pa tayong magtulungan, dahil hindi naman talaga natin kayang magsumikap mag-isa. Marami sa atin ay ibig mapabilang sa isang komunidad, sa barkadahan, sa isang pamilya, upang magawa natin ang mga bagay na gusto nating gawin.

‘Di naman talaga natin maiiwasang makasalamuha ang ibang tao. At kung ayaw mo sa mga tao, sa tingin mo ba, makukuha mo ang gusto mo nang ikaw lang? Sa ayaw at sa gusto, magkakarugtong ang buhay nating lahat. Eh bakit ‘di natin gamitin ang potensyal na ito upang lumikha nang mas marami, mas maganda, at mas kapakipakinabang na buhay para sa ating komunidad?

Oo, mahirap, lalo sa umpisa. Wala na yatang mas mahirap pa sa pagbigay ng tiwala sa sarili na kaya mong magbigay pa kung kakailanganin, araw-araw. Malalagay tayo sa dehado, tiyak yan. Maraming kokontra. Pero dapat itong ipaglaban. Isipin mo ang iyong kakayahan. Isipin mo na ipagsanib-pwersa ito sa kakayahan ng iyong mga kasama. Kung sama-sama tayo, kaya nating patumbahin ang anumang hadlang.

Pwede rin namang ito na lang, dito na lang tayo, at wag nang kuwestiyunin ang mga bagay-bagay. Pwede yun, kung masaya ka na sa status quo.

Sa huli, ang kasiyahan ay isang mahabang proseso. Hindi ito ang layunin na matatapos kapag nahawakan na. Ito ang lakbay, hindi ang destinasyon. Ito ang hindi matapos-tapos na pagbabago ng sayaw. Ilang siglo na tayong sunud-sunuran, at ‘di na tayo sanay ipahayag ang mga kagustuhan natin at kung paano sila maaabot. Oras na para matutunan muli ito.

Naaalala mo ba ang pinakamahalagang araw sa iyong buhay, kung kailan natuto kang magmahal (ng tao, ng musika, ng karanasan), kung kailan lumaki ang iyong mundo at pananaw rito, kung kailan walang imposible?

Pwede ko bang maramdaman ‘yan araw-araw?

Kung mapapansin mo, hindi pinahihintulutan ng sambayanan ang ganitong klaseng pag-uugali. Saklap, no? Magugulo ang pag-iisip natin na puno pa ng kabalintunahan. Abala tayong lahat sa pagsusumikap na nakakalimutan na nating mangarap.

Kung kagagawan natin ang lipunan at ang mundo kung saan tayo nabibilang, dapat nating tanungin: ito na ba ang pinakamabuti nating gawa? Ito na yun?

Kung hindi pa (at dapat hindi pa), bakit tayo titigil sa paglikha nito? Gumawa pa tayo ng iba pang paraan kung paano mabuhay, at mabuhay nang sama-sama. Lumikha pa tayo nang mas mabuting mundo kaysa dito kung saan kaaya-ayang tirhan para sa lahat! Para saan pa ang mga ginagawa natin kundi lang din sa ikaliligaya nang lahat?

Nakipagtalik ka na ba na sa sobrang sarap, parang buwis-buhay na? Ang magmahal ay buwis-buhay dahil sa pagnanais nitong gumawa nang mas mabuting bersyon ng realidad, kung saan ang lahat ay marikit, masaya. Sa bersyon na ito, mahalaga ang lahat, walang maiiwan. Bakit ‘di pa natin likhain ang mundong iyon, ngayon na?

TNU



read other related posts

return to blog list or home page